Hubad na katotohanan

Naghuhugas-kamay ngayon si Ahron Villena, nakahanap siya ng palusot sa ginawa niyang paglalantad sa hubad-hubad niya ng katawan sa IG Story niya, pagod at puyat lang daw siya nu’ng mga panahong ‘yun kaya nagkamali siya ng pag-click.

ENTERTAINMENT - Ahron (Instagram account)

Ahron (Instagram account)

Hindi raw niya ‘yun sinasadya, honest mistake kuno ang nangyari, namali lang daw siya ng pagpindot sa makina kaya kumalat ang hubad-hubad niyang larawan sa social media.

Akala siguro ni Ahron ay tanga ang publiko na basta na lang kakainin at tatanggapin ang kanyang paliwanag. Kung nagpakatanga siya kaya lumabas pati ang dapat ay itinatago niyang ari ay huwag naman sana niyang idamay sa kabobohan niya ang mga netizens.

Siyempre’y alam niya ‘yun, hindi totoong puyat at  pagod lang siya kaya niya ipinagmalaki sa buong mundo ang kanyang kahubaran, lokohin pa ba ang publiko sa ginawa niyang kahunghangan?

Kaya niyang lokohin ang ibang tao sa ibang pagkakataon pero hindi kaya lokohin ni Ahron Villena ang lahat ng tao sa lahat ng pagkakataon.

Lalo siyang binash sa social media. Mas madidiing paghusga pa ang ibinato sa kanya. Walang bumawi sa paghusgang nagpapapansin lang siya, uhaw sa kasikatan at pagiging exhibitionist.

Na dapat lang!

-o0o-

Kapuri-puri si Karla Estrada bilang magulang dahil matindi ang pagpapahalaga niya sa edukasyon. Ang pangarap niyang makapag-aral-makatapos na hindi nangyari dahil maaga siyang sumalang sa pagtatrabaho ay gusto niyang tuparin sa pamamagitan ng kanyang mga anak.

ENTERTAINMENT - Karla (Instagram account) copy

Karla (Instagram account)

Malapit nang magtapos sa kolehiyo ang kanyang anak na si JC, ito ang sumunod kay Daniel Padilla, magkapareho ang kanilang apelyido pero magkaiba ang kanilang ama.

Si Rommel Padilla ang ama ni Daniel, si Naldy Padilla naman na bokalista ng Orient Pearl ang ama ni JC, magpinsan ang kanilang tatay ni DJ kaya parang magkapatid na buo na rin sila.

Totoo ang sinabi ni Karla na kinailangan niyang maagang magtrabaho para sa kanilang angkan. Mistulang Hospicio de San Jose ang bahay ni Karla kahit nu’ng hindi pa ganito kaganda ang takbo ng kanilang buhay.

Ang mga kamag-anak niyang lumuluwas mula sa Leyte ay sa kanyang bahay muna nakikitira. Iba-iba ang kuwento. May naghihintay na lang ng visa papuntang ibang bansa, may nag-a-apply pa lang sa pagiging seaman, maluwag sa kaloobang pinatitira ni Karla sa kanyang bahay ang mga ito kahit pa kadalasa’y kinakapos siya sa panggastos.

At marunong magbigay ng premyo ang kapalaran sa mga taong matulungin. Nag-artista si Daniel na sikat na sikat na ngayon at si Karla naman ay sinuwerteng mabuhay uli ang career dahil sa pagsikat ng kanyang panganay.

Napakagandang premyo dahil sa kabutihan ng kanyang puso para sa mga nangangailangan. 

Comments

comments

Ad Widget

Recommended For You

About the Author: admin